MANILA, Philippines — Itinigil muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng educational assistance sa mga indigent na estudyante sa mga binabagyong lugar partikular sa Batanes.
Ayon kay DSWD spokesman at Assistant Secretary Rommel Lopez, ito ay dahil sa patuloy na nanalasa ang Bagyong Henry sa Batanes.
Sinabi pa ni Lopez na nagkasundo ang DSWD at ang local government unit na kanselahin na muna ang pamamahagi ng ayuda doon.
Samantala, nasa 316 na payout centers ang itinayo ngayon ng DSWD.
Nasa 113 ang payout centers sa Region 7, tatlo sa National Capital Region na nasa Swadcap, Taguig; Gastambede, Manila at Nayon Kabataan sa Mandaluyong City.
Target ng DSWD na mabigyan ng ayuda ang 80,000 beneficiaries ng programa sa buong bansa.
Sa ngayon, nasa 2 milyon ang aplikante sa ayuda.
Sinabi pa ni Lopez na magtatayo ng off-site payout centers ang kanilang hanay sa mga lugar na walang internet at gadgets halimbawa na sa bahagi ng Mimaropa at Calabarzon.
Ipinaalala ni Lopez, tanging ang may mga text confirmation lamang na nagparehistro sa online ang bibigyan ng ayuda ng DSWD at bawal pa rin ang walk-in applicants.