Krimen bumaba ng 11.67% sa 2 buwan ng termino ni Pangulong Marcos

Members of the Manila Police District SWAT team guard the vicinity of Recto Avenue in Divisoria, Manila on June 1, 2022.
STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Bumaba ng 11.67% ang index crimes sa bansa sa loob ng 56 araw o halos dalawang buwan sa unang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Philippine National Police Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang aktibong pagtugon ng PNP sa lahat ng uri ng kriminalidad at iba pang uri ng lawlessness ang susi sa pagbaba ng index crimes.

Sinabi ni Azurin na ang patuloy na pagbaba ng index crimes ay maikukumpara sa data ng katulad na perion sa pagsisimula ng dating administrasyon noong 2010 sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino at noong 2016 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Index crimes refer to offenses considered as serious in nature with sufficient frequency and regularity -- murder, homicide, rape, robbery, theft, carnapping, and physical injury,” pahayag ni Azurin.

Simula Hulyo 1 hanggang Agosto 25 ng taong ito, bumaba ang kaso ng theft sa 1,896 mula sa 2,514 kaso noong 2016 at 12,773 noong 2010 habang ang physical injuries ay bumaba rin sa 579 mula sa 3,777 noong 2016 at 10,208 noong 2010.

Sa kaso ng robbery ay nasa 793 mula sa 3,028 noong 2016 at 6,580 nitong 2010; murder nasa 649 mula sa 2,332 noong 2016 at 1,423 noong 2010; carnapping nasa 280 mula sa 1,253 noong 2016 at 1,169 noong 2010.

Ang kaso ng rape ay nasa 903 mula sa 1,666 noong 2016 at 704 nitong 2010 habang ang homicide ay nasa 161 kaso mula sa 345 noong 2016 at 614 noong 2010.

Binigyang diin ni Azurin na malaki rin ang naitulong ng puspusang pagmomonitor at pagpa-followup ng mga kaso bilang istratehiya ng mga imbestigador sa pagbaba ng krimen at pagresolba sa mga kaso.

Show comments