MANILA, Philippines — Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Filipino community sa kanyang state visit sa Indonesia at Singapore, ayon sa Malacañang.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang pulong ay magsisilbing daan para masiguro ni Marcos sa mga overseas Filipino worker (OFWs) ang kanilang kapakanan at proteksyon.
“Bibisita rin ang Pangulo sa ating mga kababayan sa Singapore at Indonesia para personal na ipaabot ang commitment ng pamahalaan na protektahan ang kanilang mga karapatan at kapakanan bilang OFWs,” ani Cruz-Angeles.
Magsisimula ang inaugural state visit ni Marcos sa dalawang bansa sa Southeast Asia ngayong linggo Setyembre 4 hanggang 7.
Bibisita muna siya sa Indonesia sa Setyembre 4 hanggang 6 at tutuloy sa Singapore sa Setyembre 6 hanggang 7.
Mayroon humigit-kumulang 8,000 Pilipino sa Indonesia, habang sa Singapore ay higit sa 200,000 overseas Filipinos.
Ang mga kalahok ay kinakailangang magrehistro online, at hindi papayagan ang walk-in. Ang mga hindi makakadalo ay maaring manood sa live-stream.