MANILA, Philippines — Paiimbestigahan sa Kamara ang ulat ng umano’y sexual harassment ng mga guro sa kanilang mga estudyante sa isang paaralan sa Bacoor City, Cavite.
Ayon kay Rep. Lani Mercado-Revilla ng ikalawang distrito ng Cavite, nakatakda siyang maghain ng isang resolusyon sa Kamara na humihiling na magsagawa ng imbestigasyon sa napaulat na sexual harassment ng anim na guro sa mga kabataang mag-aaral ng Bacoor National High School.
“Kung ito man ay totoo, mariin po nating kinokondena na ang paaralan ay magiging lugar kung saan ang ating mga anak ay maaaring makaranas ng pang-aabuso at ang ating mga guro na nagsisilbing magulang nila sa paaralan ang gagawa nito.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang fact-finding na imbestigasyon ng Philippine National Police, Department of Education at lokal na pamahalaan. Tayo po ay maghahapag ng resolution sa Kongreso para sa mas malalim pang imbestigasyon,” ayon kay Revilla.
Kasabay nito, nanawagan ang kongresista sa mga batang biktima na lumantad at magsumite ng sinumpaang salaysay ng pawang katotohanan ukol sa nasabing pang-aabuso umano ng mga guro.
Ayon sa pulisya, wala pang naisasampang kaso ang mga biktima kaugnay ng pangyayaring ito.
Ang DepEd ay puspusan din ang imbestigasyon at anuman ang kalalabasan ng imbestigasyon ay papanagutin nila ang mga gurong mapatutunayang nagkasala.