Bagyong Henry at habagat, magsasanib
MANILA, Philippines — Magdadala ng malakas na pag-ulan ang pagsasanib ng bagyong Henry at habagat sa susunod na 24 oras.
Ayon sa PAGASA, matinding pag-uulan ang mararanasan sa buong Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet at Zambales samantalang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang mararanasan sa buong Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Bataan at Occidental Mindoro.
Ang naturang mga lugar ay magkakaroon ng mga pagbaha at pagguho ng lupa kaya’t ang lahat ng residente doon ay pinag-iingat.
Sa 11 am advisory ng PAGASA, si Henry ay bumagal ng pagkilos pahilagang kanluran sa may Philippine Sea east northeast ng Batanes.
Ang mata ng bagyo ay namataan sa layong 365 km silangan hilagang silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 165 km per hour at pagbugso na umaabot sa 205 kph.
Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes at Signal No. 1 sa Babuyan Islands at sa northeastern portion ng mainland Santa Ana, Cagayan.
Ngayong Sabado ay inaasahan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa buong Batanes, mahina hanggang sa katamtaman na minsa’y maulan sa Babuyan Islands.
Magpapaulan naman ang habagat sa susunod na 24 oras sa Isabela, western portion ng Central Luzon at nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region.
Dahil sa bagyong Henry, inilabas ang Gale Warning sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon at eastern seaboard ng Central Luzon.
- Latest