Mahabang pila sa LTO sites, asahan
MANILA, Philippines — Inaasahang mas mahabang pila pa ang sasalubong sa mga motorista sa ilang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Metro Manila ngayong “ber” months dahil sa umano’y nagka-aberyang information technology (IT) platform na Land Transportation Management System (LTMS).
Bukod sa mahabang pila, reklamo rin ng mga motorista sa Makati at Taguig LTO ang pagpapabalik-balik sa mga LTO site na palaging offline ang system.
Ayon sa ilang source, tatlong araw nang offline at nagkaka-aberya ang LTMS sa naturang tanggapan at nagkakapatung-patong na backlog at naging mabagal ang proseso.
Kinumpirma ito mismo ni Marinette Abarico, hepe ng LTO-Makati District Office na nararanasan pa rin ang sitwasyon sa iba pang tanggapan ng LTO partikular na sa Novaliches, Diliman, Las Piñas, at Marikina District Offices.
Nauna nang in-extend ni LTO chief Asec. Teofilo Guadiz ang validity ng rehistro ng mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa “7” dahil sa holiday noong August 29 at sa ilang technical issue. Hindi ito ang unang beses na in-extend ng LTO ang rehistro ng mga sasakyan.
Matatandaang noong isang buwan ay nagbigay din ng palugit ang ahensiya dahil sa madalas na pagkakaantala ng LTMS.
Ginagawa naman ng pamunuan ng LTO ang lahat upang masigurong mabawasan ang mga aberya at mapabuti ang kanilang serbisyo.
- Latest