MANILA, Philippines — Nagbanta ang farmers group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na posibleng tumaas ang presyo ng bigas ng mula P3 hanggang P4 sa susunod na buwan ng Oktubre.
Ito, ayon sa SINAG ay dahil hindi naibigay ng pamahalaan sa mga palay farmers ang cash aid na gagamitin sana sa panahon ng pagtatanim.
Dahil anila sa delay ng pagkakaloob ng ayuda, tumaas na ang presyo ng input sa mga sakahan na ugat ng pagtataas sa presyo ng bigas.
Nilinaw naman ng Department of Agriculture (DA) na dahil kulang sa requirements na kailangan para maipalabas ang pondo sa mga magsasaka kayat hindi naibigay sa tamang oras ang cash aid.
May P5,000 ang cash aid ng bawat magsasaka.
Sinasabing ang requirement lamang ng Landbank ay ang magkasamang magpapalitrato ang mga tauhan ng DA sa mga magsasaka.
Hindi naibigay ang picture dahil walang photographer ang DA noong panahong iyon.
Gayunman, nangako si DA Undersecretary Domingo Panganiban na pabibilisin na ang gagawing pamamahagi ng ayudang pondo sa mga magsasaka.