Mga estudyanteng biktima ng sexual harassment, pinalulutang

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon ang Department of Education (DepEd) sa mga estudyanteng umano’y naging biktima ng se­xual harassment ng isang high school sa Bacoor, ­Cavite na lumutang na at ­maghain ng reklamo laban sa kanilang mga guro.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, ongoing ang imbestigasyon ng Schools Division Office (SDO) sa Bacoor sa pitong guro mula sa isang local high school matapos ang viral social media post hinggil sa umano’y sexual harassment na ginagawa ng mga ito sa mga estudyante.

Gayunman, sinabi ni Poa na ang nagiging problema nila ay maraming biktima ang natatakot lumutang at hindi naghahain ng reklamo sa mga guro.

“Although nagtutuloy ‘yong imbestigasyon natin, ang problema is walang masyadong complainants na nagfa-file ng kanilang affidavits,” ani Poa.

“Sana tulungan niyo rin kaming hikayatin ‘yong alleged victims na lumabas at mag-file ng kanilang affidavits para mapalakas lalo ‘yong kaso,” panawagan pa niya.

Sinabi pa ng DepEd official na inaasahan nilang magsusumite ang SDO ng Bacoor City ng kanilang fact-finding report sa regional office sa Calabarzon sa Biyernes.

Mula rito ay aalamin nila kung ano ang susunod na hakbang sa administrative proceedings laban sa mga guro.

Sakaling mapatuna­yang guilty o nagkasala, ang mga naturang guro ay maaaring maharap sa dismissal sa serbisyo.?Una nang sinabi ng DepEd na ang mga naturang guro ay hindi binigyan ng teaching load ngayong school year habang nakabinbin pa ang imbestigasyon laban sa kanila.

Show comments