MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na handa silang tumugon o rumesponde mula sa inaasahang paghagupit ng dalawang bagyo sa bansa.
Ayon kay NDRRMC spokesperson at Office of Civil Defense Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, naka-antabay na sila sa hambalos ng Bagyong Gardo na nasa loob na ng bansa at ng papalapit na super typhoon Henry.
Ani Alejandro, magtataas sila ng alerto para pag-ingatin ang publiko partikular sa Northern Luzon na sentro ng pananalasa ng dalawang bagyo.
Posible aniya nilang itaas sa “red” o “blue” ang alerto depende sa susunod na pagtaya ng PAGASA.
Nabatid na may mga nakaantabay ding tauhan sa emergency operations center ng NDRRMC para tumanggap ng mga tawag at rumesponde sa anumang pangangailangan.
Inabisuhan na rin nila ang mga lokal na pamahalaan sa Northern Luzon para paghandain sa posibleng epekto ng dalawang bagyo.
Ayon sa PAGASA, posibleng hindi lumapag sa lupa si Gardo pero maaari itong higupin ni Hinnamnor na tatawaging Bagyong Henry na magdadala ng mga pag-ulan.
Tiniyak naman ni Alejandro na may sapat na relief supply at pondo ang OCD para sa pamamahagi ng tulong sa mga maaapektuhan ng dalawang bagyo.