MANILA, Philippines — Lagpas kalahating bilyong pinsala na ang naitatala ng dahil sa nagdaang bagyong "Florita" sa sektor ng imprastruktura sa buong bansa, bagay na pinakadumurog sa Rehiyon ng Ilocos.
Sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Martes, pumalo na sa P571,100,000 ang total cost of damages sa infrastructure sa mga sumusunod na lugar:
Related Stories
- Ilocos Region (P546,700,000)
- Cagayan Valley (P24,400,000)
Maliban pa 'yan sa P13.02 milyong production loss at halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura, ayon sa konseho. Mas mababa ang figures ng NDRRMC kaysa sa Department of Agriculture, bagay na nakapagtatala na ng lagpas P1-bilyong pinsala.
Samantala, nasa 95 kabahayan naman ang nadali ng naturang bagyo, dahilan para bahagyang mapinsala ang 81 dito. Wasak na wasak naman ang nasa 14.
Sinasabing naapektuhan ang 131,235 katao dahil sa naturang bagyo. Kabilang diyan ang sumusunod:
- patay (3)
- sugatan (4)
- lumikas sa mga evacuation centers (1,013)
- lumikas sa labas ng evacuation centers (809)
Maliban sa Regions 1 at 2, naapektuhan din nito ang Central Luzon, CALABARZON, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Bumuhos naman na sa ngayon ang P7.7 milyong halaga ng tulong sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas para sa mga nasalanta sa porma ng family and hygiene kits, family food packs, tulong pinansyal atbp.
Bagama't naapektuhan ng bagyo ang Metro Manila at nasalanta ang ilang sakahan, una nang sinabi ng Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista na hindi nakikita ng DA na magtataas ng presyo ng gulay sa Kamaynilaan.
Ika-24 ng Agosto nang lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) si "Florita," na siyang umabot noon sa severe tropical storm category. Sa kabila nito, maulan pa rin nitong mga nagdaang araw habang inoobserbahan ang Typhoon Hinnamnor na siyang papalapit sa PAR. — James Relativo