MANILA, Philippines — Nabahala si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pahayag ng Department of Agriculture na diumano’y hindi kaya ng Pilipinas na gumawa ng asin para sa pansariling gamit dahil sa kapabayaan ng gobyerno sa nagdaang 15 na taon.
“Nakakahiya naman po ito para sa isang bansang arkipelago na may mahigit na 36,000 kilometro ng baybayin. Huwag po nating sayangin pa ang potensyal nitong lumikha ng trabaho para sa bawat Pilipino sa bawat pulo ng bansa sa pagbuhay muli ng industriya ng salt production,” sabi ng senador.
Napabalita rin na sinabi ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. na kasalukuyang umaangkat ng 93 porsyento ng asin ang bansa mula sa Australia at Tsina.
Kinumpara ito ni Villanueva sa ulat noong 15 porsyento lamang ang inaangkat ng asin ng bansa noong 1990.
“I am quite salty about the state of our salt production industry. Hindi pa po huli na maging net exporter tayo ng asin,” ani Villanueva.
Kaugnay nito inihain ni Villanueva ang Senate Resolution No. 100 para imbestigahan kung paano pababangunin muli ng gobyerno ang salt production industry ng bansa upang makalikha ng trabaho at magpalago ng ekonomiya.
Sinabi ni Villanueva na kailangang matugunan ng gobyerno ang mga balakid sa pag-unlad ng salt production industry ng bansa. Kasama rito ang pangangailangan sa mga storage facilities, at kakulangan sa mga kagamitang gaya ng mga water pump at bangka para sa paghakot at pag-imbak ng asin.