Budget Chief umapela
MANILA, Philippines — Umapela si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na bigyan sila ng pagkakataon para aayusin ang sistema sa Procurement Service (PS) sa ilalim ng kaniyang tanggapan matapos itong masangkot sa mga kuwestiyonableng pagbili ng mga kagamitan at iba pang pangangailangan ng mga departamento at ahensya ng pamahalaan.
Ang PS-DBM ay una nang kinuwestiyon sa mga kontrobersyal na overprice na pagbili ng mga kagamitan kabilang ang P8.2 bilyong medical supplies tulad ng mga face mask at face shield ng Department of Health (DOH) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Umani rin ng pagbatikos ang PS-DBM sa maanomalyang pagbili ng mga outdated at overpriced laptops ng DepEd na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.
Sa kaniyang pagharap sa House Appropriations Committee sa P5.286 trilyong 2023 national budget, sinabi ni Pangandaman na ang PS-DBM ay may magandang rekord mula 2017 hanggang 2019 sa ilalim ng dating pamumuno ni Sec. Benjamin Diokno kung saan si Pangandaman ay dating Undersecretary dito.
“If you’ll be giving us a chance to at least clean PS-DBM, we will highly be happy with that,” sabi pa ng kalihim.