MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi nakikisangkot ang mga lehitimong ospital sa Pilipinas sa aniya'y iligal na bentahan ng internal organs sa bansa, ito habang dumarami ang reported na kaso ng kidnapping at pagpatay sa kababaihan at kabataan nitong mga nagdaang linggo at buwan.
Kumakalat kasi ngayon sa social media ang mga ulat na nagagamit daw ng mga sindikato ang mga laman-loob ng mga naturang biktima para sa masamang gawain, ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Biyernes.
Related Stories
"Amin din pong napag-alaman noong isang araw na meron daw pong instances na ang mga kababayan natin ay maki-kidnap at kinukuha daw 'yung mga organs nila para ito po ay maibigay doon sa mga nangangailangan," sabi ni Vergeire sa isang media forum kanina.
"'Yung mga nagbebenta o 'di kaya po 'yung mga sinasabing naki-kidnap, ito po ay dadaan pa rin sa proseso. Hindi pa rin po 'yan kasiguruhan na porke may organ na kayo eh ikakabit na po sa inyo 'yan ng mga doktor."
"We have ethics committee review for our organ transplant process."
— Department of Health (@DOHgovph) August 25, 2022
Binabanggit ito ng DOH official ngayong tila sunud-sunod ang kidnapping, patayan atbp. karahasan sa mga kababaihan at bata. Ang ilan diyan naitala sa Bulacan atbp. bahagi ng bansa.
Una nang kinundena ng Commission on Human Rights, Gabriela Women's Party at Sen. Imee Marcos ang serye ng karahasan, bagay na ikinababahala ngayon ng ilan ngayong nagsimula na uli ang face-to-face classes.
Sa kabila nito, naninindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang serial killer o grupo na may "puting van" sa likod ng mga nabanggit na krimen sa paligid ng Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
Giit ng PNP, hindi kunektado ang mga nabanggit at "manageable" pa ang sitwasyon sa ngayon.
"Unang-una, 'yun pong mga organ transplant po natin na isinasagawa natin sa ating bansa, hindi po tayo basta-basta tumatanggap ng kahit na anong organ from anybody," dagdag pa ni Vergeire.
"Pinag-aaralan pong maigi ng ating mga ospital kung sino ang appropriate na donor ng organs na 'to para doon sa pasyente."
Wika pa niya, merong batas sa Pilipinas na nagsasabing kinakailangang buhay pa ang donor ng mga nasabing organs, maliban na lang sa ilang exemptions.
May proseso rin daw kung saan kinakausap mismo ang donors at iniibestigahang maigi kung talagang may kaugnayan sa pasyente o hindi.
Babala ng DOH, ang maling pagta-transplant ng mga bahagi ng katawan sa mga pasyente ay maaaring magresulta pa sa masamang epekto sa kalusugan kaysa makatulong.
Ilan sa mga una nang nabalitang dinukot at natagpuang patay kamakailan ay ang industrial engineer na si Princess Dianne Dayor mula sa Malolos, Bulacan. Iba pa ito sa kaso nina Josie Bonifacio, Jovelyn Galleno, atbp. — James Relativo