Budget, DepEd execs ginisa sa ‘overpriced’ laptops

Sumalang sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga opisyal ng Department of Education at Department of Budget and Management kaugnay sa umano’y overpriced at outdated laptops na binili ng DepEd sa pamamagitan ng Procurement Service ng DBM.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Nagisa ng Senado ang mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd) kaugnay sa pag-apruba nito sa Procurement Service (PS) ng DBM sa pagbili ng umano’y overpriced laptops.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, tinanong ni Sen. Ronald dela Rosa ang DepEd bakit pumayag sa pagbili ng PS-DBM ng P58,000 laptop bawat isa.

Giit ni Dela Rosa, maliwanag sa record na pumayag ang DepEd na bumili ng laptop na mula sa P35,000 ay ginawa itong P58,000.

Paliwanag naman ni dating DepEd secretary Leonor Briones, si DepEd Usec. Alain Pascua ang dapat magpaliwanag dahil siya ang information communications technology chief.

Paliwanag naman ni Pascua na binigyan siya ng PS-DBM ng action slip bago pa ang pagbili kung saan nakasaad dito ang bilang at presyo ng laptops at si ICT Director Abram Abanil din umano ang pumirma sa action slip.

Pinuna naman ni Sen. Alan Peter Ca­yetano ang presyo na P58,000 na kapresyo na anya ng MacBook air at paano na-approved ang entry level nito.

Sa tingin ni Caye­tano, posibleng incompetence o may connivance sa PS-DBM subalit itinanggi naman ni Pascua na inaprubahan niya ang pagbili nito dahil mayroon nang action slip na binigay ang PS-DBM na inayunan ng ICT unit ng DepEd.

Iginiit naman ni Sen. Francis Tolentino, chairman ng komite na base sa mga dokumento, lumalabas na inaprubahan nina Pascua at Abanil ang pagbili ng mga umano’y overpriced laptops.

Show comments