MANILA, Philippines — Inaasahang magno-normalize muli ang suplay ng mga beep cards o yaong stored-value cards (SVCs) sa unang bahagi ng 2023.
Ito ang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Rails Cesar Chavez kahapon kasunod nang nakaambang kakulangan ng beep cards.
Ipinaliwanag ni Chavez na ang problema ay dulot ng shortage ng suplay ng global chip na nag-ugat sa COVID-19 lockdown sa China at kaguluhan sa Ukraine.
Sa pahayag ng DOTr kamakailan, sinabi nitong nabigo ang Beep card provider na AF Payments Inc. (AFPI) na magdeliber ng kinakailangan nilang 75,000 SVCs.
Sa gitna ito nang inaasahang pagtaas ng demand ng beep cards bunsod nang inaasahang pagdami ng mga pasahero ng MRT-3 ngayong unti-unti nang ibinabalik ang face-to-face classes sa bansa.
Tiniyak naman ng DOTr na may mga inilatag na rin silang mga pamamaraan upang tugunan ang problema at maabot ang demand ng commuters para sa contactless cards.
Nakiusap din si Chavez sa publiko na i-share ang kanilang beep cards sa iba upang mabawasan ang epekto ng naturang kakulangan. May mga tao anya na dalawa o tatlo ang Beep cards.