MANILA, Philippines — Nag-iwan ng tatlong patay ang bagyong "Florita" habang libu-libo ang apektado't nawawala pa ang ilan, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes.
Sa huling report ng NDRRMC, sinasabing dalawa na ang kumpirmadong patay mula sa Cordillera at Cagayan Valley habang isa pa sa casualty ang bineberipika pa mula sa Bicol:
- 63-anyos mula sa Santo Niño, Cagayan (tinamaan ng nahulog natumbang puno)
- 32-anyos mula Bato, Camarines Sur (nalunod)
- 56-anyos mula Pinukpok, Kalinga (dahil sa natumbang puno)
Tatlo naman ang kumpirmadong nawawala mula sa Region 2 habang for validation pa ang isa sa Region 5.
Kung titilad-tilarin, ito ang itsura ng mga nasalanta:
- apektadong tao (47,169)
- lumikas sa mga evacuation center (6,623)
- lumikas na nasa labas ng evacuation center (3,732)
Ilan sa mga naapektuhang rehiyon ang Ilocos Region, Cagayan Valley, CALABARZON, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Aabot naman sa 26 kabahayan ang bahagyang napinsala ng bagyo habang apat naman ang wasak na wasak. Ang mga nabanggit ay mula sa Regions 1, 2 at CAR.
Pumalo naman na sa P4.85 milyong halaga ng tulong ang naibibigat sa ngayon sa mga nasalanta sa porma ng family kits, hygiene kits, family food packs, relief assistance, family tents, atbp.
Miyerkules lang nang tuluyang makalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo. — James Relativo