Field trip ng K-12 students sa Pag-asa Island, isinulong

Sa gitna ng pulong sa mga ‘stakeholders’ sa isla, sinabi ni National Security Adviser (NSA) Dr. Clarita Carlos na sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd) ay maaaring magsagawa ng ‘field trips’ doon ang mga mag-aaral para mapataas ang ‘awareness’ at partisipasyon ng publiko sa mga ‘humanitarian activities’ sa mga residente nito.
AFP

MANILA, Philippines — Ipinanukala ni National Security Adviser (NSA) Dr. Clarita Carlos na magsagawa ng ‘field trip’ ang mga mag-aaral ng K-12 program sa Pag-asa Island sa kaniyang pagbisita dito kamakailan, ayon sa Phi­lippine Coast Guard (PCG).

Ito ay makaraang sumama si Carlos sa ‘maritime domain awareness activities’ sa West Philippine Sea nitong Agosto 17 kasama ang ilang opisyal ng PCG.

Sa gitna ng pulong sa mga ‘stakeholders’ sa isla, sinabi ni Carlos na sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd) ay maaaring magsagawa ng ‘field trips’ doon ang mga mag-aaral para mapataas ang ‘awareness’ at partisipasyon ng publiko sa mga ‘humanitarian activities’ sa mga residente nito.

Binisita rin ni Carlos ang UP Marine Science Institute laboratory sa isla at hinikayat ang pamunuan ng UP na magpatupad ng ‘two-semester stay’ sa kanilang ‘master’s degree program’, kung saan makikihalubilo ang mga ‘post-graduate students’ sa mga lokal at mapag-aralan ang mayaman na ‘marine environment’ ng lugar.?

Nakita rin niya ang pangangailangan ng dagdag na doktor at iba pang medical personnel sa isla para alagaan ang kalusugan ng mga residente.

Nanawagan din siya na maglagay ng aktibong ‘shipping route’ para ma­kabiyahe ang mga residente, maging ang posibilidad na makabisita ang mga lokal at internasyunal na turista, na magbibigay ng kabuhayan sa mga taga-isla.

Show comments