MANILA, Philippines — Patuloy na nanananalasa sa ilang bahagi ng bansa ang Severe Tropical Storm Florita kahit na nakalabas na ito ng Philippine area of responsibility, dahilan para mailagay pa rin sa storm warning signal ang ilang lugar.
Sa huling taya ng PAGASA, Miyerkules, namataan ang sentro ng bagyo 335 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan kaninang 4 a.m.
- Lakas ng hangin: 95 kilometro kada oras
- Bugso ng hangin: hanggang 115 kilometro kada oras
- Direksyon: kanluran hilagangkanluran
- Bilis: 30 kilometro kada oras
"Severe Tropical Storm FLORITA is forecast to move generally west northwestward over the West Philippine Sea towards the southern portion of China, where it is expected to make landfall tomorrow morning or early afternoon," ayon sa ulat ng state weather bureau kanina.
"It is also... forecast to re-intensify and reach typhoon category tonight."
Signal no. 1 pa rin ang sumusunod na lugar:
- Batanes
- Babuyan Islands
- kanlurang bahagi ng mainland Cagayan (Claveria, Santa Praxedes, Sanchez-Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Allacapan, Aparri, Lasam, Santo Niño, Rizal)
- Apayao
- Abra
- kanlurang bahagi ng Kalinga (Balbalan, Pasil, Tinglayan)
- kanlurang bahagi ng Mountain Province (Bauko, Tadian, Besao, Sagada, Sabangan, Bontoc, Sadanga)
- hilaga at kanlurang bahagi ng Benguet (Mankayan, Bakun, Kibungan, Kapangan, Tublay, La Trinidad, Sablan, Tuba, Baguio City, Atok)
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
Malalakas na hangin ang umiiral o inaasahan sa mga sumusunod na lugar sa susunod na 36 oras.
Ngayong umaga, malamang ay makaranas ng katamtaman hanggang malalakas na ulan sa Ilocos Region, Abra at Benguet.
Samantala, mahihina hanggang katamtaman na may minsanang malalakas na pag-ulan namang mararanasan sa Cordillera Administrative Region.