MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagtukoy sa mga available na evacuation centers sa gitna ng pananalasa ng bagyong Florita.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr., ang kautusan ay isinagawa ng Pangulo sa kanilang Cabinet meeting kahapon.
Kasabay nito, tiniyak din naman ni Abalos na mayroong sapat na suplay ng pagkain at tubig para sa mga residenteng nabiktima ni ‘Florita.’
Nagpadala na ng mga relief goods ang DSWD sa mga regional at provincial offices ng ahensiya para mamahagi ng tulong sa mga sinasalanta ng Bagyong Florita sa Regions 1 at 2.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, nakahanda na ang mga tauhan ng DSWD para ipamahagi ang food at non-food items sa mga evacuation centers.
Anya, mayroon ding mga relief goods ang ipamimigay sa mga mayor at governor na humingi ng ayuda sa ahensiya.
Sinabi ni Tulfo na naghihintay na lamang ang mga tauhan na humupa ang baha para maipamahagi ang mga relief items sa mga apektadong residente ng bagyo.