MANILA, Philippines — Tinitignan na ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng "local transmission" ng kinatatakutang monkeypox sa Pilipinas — ito matapos mapag-alamang walang travel history sa mga bansang meron nito ang ikaapat na kaso sa bansa pati na ang kanyang close contacts.
Lunes nang iulat ng kagawan na isang 25-anyos, na sinasabing taga-Iloilo, ang naging ikaapat na kaso nito. Gayunpaman, siya ang unang monkeypox case sa Pilipinas na hindi nanggaling sa mga bansang nakakitaan na ng sakit.
Related Stories
"Ang local transmission, we cannot rule out but we cannot confirm yet," sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Martes, sa isang media forum.
"Because the definition of local transmission... is when... a local case, walang history of travel abroad, ay nagkaroon ng monkeypox at nahawa siya dahil may isa pang taong may monkeypox locally also at hindi galing abroad."
"But for now, we cannot confirm yet with certainty na local case at nahawa rin sa isa pang locally case kaya may local transmission."
Ito raw ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang isinasagawang backtracing at pagbeberipika ng impormasyon para matukoy kung ano talaga ang naging source ng naturang nakamamatay na sakit na unang nadiskubre sa kontinente ng Africa.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 14 ang close contacts ng ikaapat na kaso. Ang nakapagtataka para sa marami, lahat sila'y walang sintomas ng sakit at hindi rin lumabas ng bansa.
"Among all of these close contacts, wala tayong makita na may sintomas o 'di kaya may exposure din o travel abroad para masabi nating dito nanggaling 'yung kanyang infection," dagdag pa ni Vergeire.
"We will be informing the public as soon as we get information."
Una nang sinabi ng DOH na kumakalat ang monkeypox kapag nagkadikitan ng balat ang isang meron nito atbp. Pinaaalalahanan ng DOH ang lahat na agad kumunsulta sa mga pagamutan kung biglang makaranas ng lagnat, pamamaga ng kulani at pagkakaroon ng butlig sa balat kung sila'y may nakasalamuhang suspected case.
Ang monkeypox ay hindi tulad ng COVID-19 na kumakalat sa hangin. Dagdag pa nila, kadalasa'y "mild" ang sintomas ng monkeypox at bibihirang makamatay — pero nangyayari pa rin. Meron na ring bakuna laban dito ngunit wala pa nito sa Pilipinas. — James Relativo