Balik-eskwela, walang aberya - DepEd
MANILA, Philippines — Naging maayos at mapayapa ang pagsisimula ng unang araw ng face-to-face classes ng mahigit 28 milyong estudyante sa bansa, kahapon.
Mismong si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang nanguna sa National School Opening Day Program (NSODP) na isinagawa sa Dinalupihan Elementary School, sa pangunguna ng SDO Bataan.
Ayon kay DepEd spokesman Atty. Michael Poa, base sa mga updates na kanilang natanggap mula sa kanilang mga regional directors ay wala pa silang naitatalang anumang untoward incidents o mga hindi kanais-nais na kaganapan, na may kinalaman sa pagbubukas ng klase.
Nagbigay din siya ng initial assessment na ang mga mag-aaral ay nakitang nakasuot ng kanilang mga face masks, ang kanilang mga temperatura ay sinusuri, at ilang mga paaralan ay nagsasagawa na ng mga ehersisyo sa umaga.
Batay sa datos ng DepEd, nasa 28 milyong mag-aaral, mula sa pribado at pampublikong paaralan, ang nag-enroll para sa school year 2022-2023.
Target ng DepEd na makapagtala ng 28.6 milyong estudyante ngayong taon.
- Latest