MANILA, Philippines — Muling binuo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Sugar Regulatory Board kung saan naglagay siya ng tatlong bagong appointees.
Kabilang sa itinalaga ni Marcos si David John Thaddeus P. Alba bilang acting administrator ng Sugar Regulatory Administration.
Pinalitan ni Alba si dating SRA administrator Hermenegildo Serafica na nagbitiw matapos tanggihan ng Pangulo ang Sugar Order No. 4 na nilagdaan ng mga dating miyembro ng Board.
Pinamumunuan ni Marcos ang SRB sa kanyang kapasidad bilang kalihim ng Department of Agriculture.
Ang iba pang bagong hinirang na miyembro ng SRB ay sina Pablo Luis S. Azcona, na kumakatawan sa sugar planters, vice Aurelio Gerardo Valderrama Jr., at Ma. Mitzi V. Mangwag na kakatawan sa sugar millers matapos magbitiw si vice Atty. Roland Beltran dahil sa kalusugan.
Ang SRA, isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na naka-attach sa DA, ay itinatag noong 1986 sa bisa ng Executive Order No. 18
Inaatasang isulong ng SRA ang paglago at pag-unlad ng industriya ng asukal sa pamamagitan ng mas malaki at makabuluhang partisipasyon ng pribadong sektor.
Layunin din nito na tiyaking magiging maayos ang kondisyon ng mga manggagawa sa nasabing sektor.