Grupo pinalagan datos na P80/araw 'sapat' sa pangangailangan ng Pinoy
MANILA, Philippines — Kalokohan para sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang sariwang datos ng gobyerno pagdating sa "poverty threshold" ng bansa, bagay na nagtatago raw sa totoong sitwasyon ng kahirapan sa Pilipinas.
Lunes nang sabihin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na P12,030 ang kailangan ng pamilyang Pinoy na lima ang miyembro kada buwan para "matugunan ang basic food/non-food requirements." Katumbas 'yan ng P80 kada tao sa isang araw.
Inilabas ito kasabay ng pahayag ng PSA na mas dumami ang Pilipinong (19.99 milyon) nakatira "below poverty line" noong 2021. Katumbas ito ng 18.1% poverty incidence. Mas marami ang nasa below poverty line kaysa sa 17.67 milyon noong 2018.
Pero ayon kay BAYAN secretary general Renato Reyes Jr., maaaring mas marami pa ang tunay na kapos-palad dahil sa baba ng poverty threshold.
"Mababa kasi ang poverty threshold ng PSA na P12,030 para sa isang pamilya ng 5 katao. Lalabas na P400 pesos ang gastos araw-araw o P80 kada tao," wika ni Reyes sa isang pahayag, Martes.
"Napakaliit ito, halos imposible na mabuhay sa ganitong halaga. Hindi ito disenteng pamumuhay kung tutuusin. Ang mababang poverty threshold ay nagagamit lang para pagtakpan ang tunay na sitwasyon ng kahirapan sa bansa."
"Mabubuhay ka ba sa P80 kada araw?"
Sa tuwing mababa ang poverty threshold, hindi rin daw nagiging kagyat ang pangangailangang itaas ang sahod sa pag-aakalang mabubuhay daw ang publiko sa P12,000 kada buwan o P400 araw.
Marso 2022 lang nang sabihin ng IBON Foundation na nasa P1,072 kada araw ang family living wage sa Metro Manila, o perang kailangan ng pamilyang lima ang miyembro para "mabuhay nang disente." Malayo ito sa minimum wage sa Kamaynilaan na hanggang P570.
Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Hulyo, sinabi niyang target ng gobyernong maabot ang 9% o single-digit poverty rate pagsapit ng taong 2028.
Pero mananatiling "ambisyosong" target lang daw ito kung ipagpapatuloy ni Marcos Jr. ang economic policies ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Council for People's Development & Governance.
"Ngayon ay 18% ito, o doble ng nais na target. Paano makakamit ang mas mababang tantos ng kahirapan kung magdadagdag pa ng buwis, tumaas ang inflation, napakataas ng presyo ng langis, walang makabuluhang umento sa sahod at sweldo ng kawani, bagsak ang agrikultura at dumami ang walang tabaho (3M ayon sa PSA)?" dagdag pa ni Reyes.
"Tila mananatiling pangarap ang pagpawi ng kahirapan sa ganitong umiiral na kalakaran."
Agosto lang nang iulat ng Social Weather Stations na nasa 48% ng mga Pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila'y mahihirap. Halos kalahati ng lahat ng pamilya.
Mayo lang nang tumalon sa 6% (katumbas ng 2.9 milyong Pinoy) ang unemployment rate sa Pilipinas, maliban pa sa mahigit three-year high sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin (inflation rate) sa 6.1% nitong Hunyo. — James Relativo
- Latest