MANILA, Philippines — Target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na makapagpalabas ng may 50 milyong national ID cards hanggang matapos ang taong 2022.
Ayon kay PSA Deputy National Statistician Fred Sollesta na simula sa buwan ng Oktubre ay pabibilisin na ng ahensiya katulong ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang card production.
Mula 80,000 ID kada araw ay target nila na mula sa Oktubre ay aabot na sa 133,000 kada araw ang maipalalabas na ID sa mamamayan.
Sinabi ni Sollesta na magro-roll out sila ng printable at digital versions ng National IDs upang maabot ang target na 50 milyong IDs sa pagtatapos ng 2022.
Dinagdag ni Sollesta na ang printable at digital versions ng National ID ay magkakaroon ng katulad na features ng physical cards, kagaya ng unique QR code na mai-scan para sa authentication.
Anya, ipalalabas ang printable at digital versions sa mga hindi pa nakatatanggap ng physical cards at valid pa bilang patunay ng pagkakakilanlan.
Inanunsyo rin nito na sa unang semester ng 2023, may 92 milyong combinations ng physical, printable, at mobile IDs ang maipalalabas ng PSA.