Bulkang Taal, nagluwa ng higit 13K toneladang asupre
Volcanic smog umabot na sa Cavite
MANILA, Philippines — Nagluwa ang main crater ng Bulkang Taal ng may 13,572 toneladang volcanic sulfur dioxide dahilan para magkaroon ng volcanic smog o vog sa buong Taal Caldera.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum, ang vog ay naitala mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon ng Huwebes habang ang sulfurous stench ay naiulat ng mga residente ng Banyaga, Agoncillo; Poblacion 5, Boso-boso, Gulod, Laurel; at Poblacion sa Talisay, Batangas.
Ang Caldera ay isang cauldron-like hallow na nabuo makaraan ang isang volcanic eruption.
Bukod sa pagluwa ng bulkan ng sulfur dioxide may naitala ring degassing activity sa bulkan.
“SO2 flux since 15 July 2022 has averaged 7,818 tons/day, an increase from the average of 1,289 tons/day between May and mid-July 2022,” sabi ni Solidum.
Inulat din ni Solidum na mula nang pumasok ang August 2022, nagkaroon ng pagtaas sa degassing activity na kinapapalooban ng visible upwelling ng volcanic fluids sa Main Crater Lake at paglabas ng voluminous steam-rich plumes na may 2,800 metro ang taas.
Pinapayuhan ni Solidum ang mga residente sa naturang mga lugar na limitahan ang paglabas ng bahay at protektahan ang mga sarili sa pamamagitan ng pagsususot ng N95 mask laban sa vog na may volcanic gas na maaaring makairita sa mata, lalamunan at respiratory tract.
Higit na ipinagbabawal na malanghap ang vog ng mga may sakit, matatanda, mga buntis at mga bata.
Samantala, binalot na rin ng volcanic smog na nagmumula sa sulfur dioxide ng Taal ang lungsod ng Tagaytay at karatig bayan, simula pa kamakalawa ng umaga.
Nabatid na iba ang vog sa karaniwang fog sa Tagaytay dahil maamoy ang asupre nito na masakit sa ilong at mahapdi sa mata, kung kaya pinapayuhan ang publiko na gumamit ng N95 mask kung lalabas ng kani-kanilang tahanan.
Ayon sa Office of Civil Defense sa Calabarzon, nagdulot na ang vog ng matinding pinsala sa mga taniman sa mga barangay ng Banyaga at sa bayan ng Agoncillo, Batangas
Nagsasagawa na ng assessment ang Municipal Disaster Risk Reduction Council sa pinsala sa agrikultura sa Laurel, habang mino-monitor ng Municipal Health Office ang kalusugan ng mga residente at agad nang namamahagi ng mga N95 mask.
- Latest