Ulo gugulong sa SRA sa pag-angkat ng asukal

Dahil sa pagmahal ng presyo ng asukal kaya nag-repack muna ng tingi-tingi ang isang vendor para marami pa ring mapagbilhan. Kamakalawa ay ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahi na mag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal sa gitna na rin ng nagbabadyang kakapusan ng suplay nito.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Malacañang ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration matapos maglabas ng hindi awtorisadong reso­lusyon para mag-import ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na nilagdaan ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian ang resolusyon na walang pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayo rin bilang kalihim ng Department of Agriculture.

Nilinaw ni Cruz-Angeles na hindi pinahihintulutan ng Pangulo ang pag-import ng asukal.

“Yesterday a resolution was uploaded on the website of the SRA purportedly coming from the Sugar Regulatory Board Resolution No. 4 autho­rized the importation of 300,000 MT of sugar on top of what had already been imported in May of this year. This resolution is illegal,” ani Cruz-Angeles.

Sinabi ni Cruz-Angeles na sensitibong bagay ang importasyon lalo na ang mga produktong pang agrikultura kaya kailangan itong balansehin.

Nilinaw naman ni Cruz-Angeles na ang resolusyon ay plano pa lamang para sa pagsasagawa ng importasyon.

Nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon para matukoy kung may gumawa ng sariling aksyon na magiging sanhi ng pagkawala ng tiwala ng Pangulo sa kanyang mga opisyal, o kung may nangyaring “malice or negligence.”

Ibabase aniya sa resulta ng imbestigasyon kung ilang opisyal ang masisibak sa posisyon.

Show comments