Lockdown sa Senado, ipapatupad
MANILA, Philippines — Magpapatupad ang Senado ng tatlong linggong lockdown sa pagtanggap ng bisita sa gusali matapos na magkakasunod na tamaan ng COVID-19 ang tatlong Senador nitong nakalipas lamang na isang linggo.
Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri at sinabing sa mga pagdinig ng Senado ay hanggang dalawang resource persons lang ang maaaring dumalo para sa bawat ahensiya na kanilang iimbitahin at hanggang dalawang staff lang ang maaari nilang isama.
Paliwanag pa ni Zubiri, kailangan din nilang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha sa loob ng 24-oras bago sila pumunta sa Senado o kaya negatibong antigen test na kinuha sa loob ng 12 oras bago pumunta sa Senado at dapat ay DOH accredited ang kukuha ng test.
Para naman sa mga senador, hanggang dalawa lang ang maaari nilang isamang staff sa session hall sa pagdinig para malimitihan ang tao at hindi na maulit sa mga nakaraang araw na halos puno ang session hall dahil sa kanilang mga staff.
Habang sa elevator naman ay balik sa limang tao lang ang sakay kada andar.
Sa inilabas din na guidelines, maaaring pisikal na dumalo sa sessions subalit virtual na dadalo sa sesyon kung positibo sa virus, kung may sintomas at may direktang exposure sa nagpositibo.
Ayon kay Zubiri, pag-iingat lang ito dahil may mga senador at mga staff ng Senado ang may comorbidities, tinukoy naman niya sina Senators Alan Peter Cayetano, Imee Marcos at Cynthia Villar na sunud-sunod na nagkaCOVID-19.
Tatlong linggo lamang umano ang safety net dahil may projection ang OCTA Research na tataas ang COVID-19 cases sa loob ng dalawang linggo habang sinabi naman ni Senator Pia Cayetano na siyang naggiit ng mas mahigpit na protocol na pinalilimitahan ang bisita para mas makapagtrabaho sila ng maayos sa Senado.
- Latest