Walang kontrol na oil price hike sisiyasatin ng Kamara
MANILA, Philippines — Sisiyasatin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang serye o walang kontrol na pagsirit ng presyo ng langis at iba pang mga produktong petrolyo.
Ayon kay 4th District Quezon City Rep. Marvin Rillo, naghain siya ng House Resolution (HR) 153 na nag-aatas sa House Committee on Energy na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa walang humpay na pagsirit ng presyo ng fuel products.
Ipinasisilip ng Kongresista sa komite ang posibleng overpricing ng mga oil companies at ang pagtaas ng tubo ng mga ito kapalit ng paghihirap ng mga konsyumer.
Si Rillo, isang neophyte na Kongresista ay tinukoy ang Consumer Act of 1992 o Republic Act No. 7394 na nagsasaad na tungkulin ng estado na protektahan ang interest ng mga konsyumer, kapakanan ng mga ito at panatilihin ang tamang standards sa mga negosyo.
Base sa data, sinabi ni Rillo na mula Enero 3 hanggang Hunyo 21, 2022 ay magkakasunod na nagtaas ng magkakaparehong presyo ang mga oil companies. Ang diesel ay nasa P44.25 kada litro, ang gasolina ay P29.50 at kerosene P39. 65 kada litro.
Inihayag ng solon na ang mga lokal na kumpanya ng langis ang nagtatakda ng ‘pricing power’ kung saan nagko-command ang mga ito sa mas mataas na presyo ng mga petroleum products kung saan mataas ang margin at malaki ang tubo na dagdag pahirap sa mamamayang Pilipino.
- Latest