Patay sa lindol, 6 na
MANILA, Philippines — Pumalo na sa anim katao ang naiulat na nasawi dahil sa magnitude 7 na lindol na tumama sa bansa nitong Martes.
Sa pinakahuling talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC), galing ang mga nasawi sa Bangued, Abra; La Trinidad, Benguet, Tuba, Benguet; Balbalan, Kalinga; at Bauko, Mountain Province. Apat katao naman ang naiulat na nawawala habang nasa 136 katao ang nasugatan.
May kabuuang 79,260 katao o 19,486 pamilya sa 246 barangay sa Ilocos at CAR ang naapektuhan ng lindol, sabi ng NDRRMC.
Nasa 5,819 indibidwal o 1,622 pamilya ang nananatili sa loob ng 26 evacuation centers, habang 1,512 katao o 360 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation. Kabuuang 1,583 bahay naman ang nasira ng lindol sa Ilocos at CAR.
Sinabi rin ng NDRRMC na nasa P48.3 milyong halaga ng pinsala ang naiulat sa Ilocos, Cagayan, at CAR.
Samantala, naibalik na ang kuryente sa 38 lungsod at munisipalidad.
Nasa 94 na klase at 183 na iskedyul ng trabaho ang nakansela sa Ilocos, Cagayan, at CAR dahil sa lindol.
Umaabot naman sa P3.8 milyong halaga ng agricultural facilities at irrigation systems ang nasira sa CAR.
Inatasan na ng Department of Agriculture ang mga bureaus, attached agencies at corporations na tiyakin na may maibibigay na ayuda ang ahensya sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, tiniyak naman ng National Food Authority (NFA) na mayroong sapat na suplay ng rice buffer para sa madaliang relief operations sa Regions 1 at 2 kahit may dalawang warehouse ng NFA sa Pidigan Abra at Candon City ang nasira dahil sa naturang lindol. — Angie dela Cruz
- Latest