MANILA, Philippines — Binaril at napatay sa labas mismo ng kanyang bahay sa Lamitan City, Basilan ang ama ni Dr. Chao Tiao Yumol, suspek sa Ateneo de Manila shooting incident, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Lamitan District Hospital ang biktima na si Rolando Yumol, 69, retiradong pulis, matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa likod.
Batay sa report, dakong alas-6:30 ng umaga nang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at pagbabarilin si Rolando na nasa labas ng bahay nito sa Rizal St., Barangay Maganda, Lamitan. Nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre .45 at isang kalibre .45 baril na hawak umano ng biktima.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) upang matukoy ang mga salarin na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Paghihiganti o “rido” ang nakikitang dahilan ng publiko sa pamamaslang kay Rolando matapos umanong patayin ni Dr. Chao si dating Lamitan Mayor Rosita Furigay, executive secretary at ang security guard ng ADMU. Sugatan naman ang anak ni Furigay na si Hannah.
Samantala, ayon naman sa PNP wala pa silang nakikitang koneksiyon na pamilya Furigay ang nasa likod ng pagpatay ng ama ni Dr. Yumol.
Pero naniniwala ang PNP na posibleng “pananamantala” at “panlilito” sa kanilang imbestigasyon sa shooting incident sa Ateneo campus ang pamamaslang sa ama ni Dr. Yumol.
Si Dr. Yumol ay kinasuhan na ng 3 counts ng murder at frustrated murder.