Patay sa Abra earthquake umakyat sa 6; apektado ng lindol halos 80,000 na — NDRRMC

In this photo taken on July 27, 2022, residents rest at a temporary shelter set up on a basketball court in Bangued, in the province of Abra after a 7.0-magnitude earthquake hit the northern Philippines.
AFP / STR

MANILA, Philippines — Umabot na sa anim ang nasawi sa magnitude 7.0 na lindol sa hilagang parte ng Luzon kasabay ng pagtaas sa bilang ng apektadong populasyon sa halos 80,000, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Miyerkules nang tumama ang nasabing lindol sa epicenter ng sa Tayum, Abra na siyang naging dahilan ng sari-saring pagguho ng mga bahay, gusali, pagkakabitak-bitak ng mga kalsada at pagguho ng lupa. Nagdeklara na ng state of calamity sa probinsya ng Abra dahil dito.

Narito ang breakdown ng apektadong populasyon sa lindol, ayon sa ulat ng NDRRMC ngayong Biyernes:

  • apektadong tao: 79,260
  • patay: 6
  • sugatan: 136
  • nawawala: 4
  • lumikas na nasa evacuation centers: 5,818
  • lumikas na nasa labas ng evacuation centers: 1,512

Sa bilang ng mga nasawi, lima na ang kumpirmado habang bineberipika pa ng mga otoridad ang isa pang naulat na namatay din sa trahedya.

Ilan sa mga lubhang naapektuhan ng nasabing pagyanig ng lupa ang Ilocos Region at Cordillera Administrative Region. Matatandaang umabot sa Intensity VII (destructive) ang pag-uga ng lupa sa Bucloc at Manabo, Abra.

Aabot naman sa 1,535 kabahayan ang bahagyang napinsala ng lindol habang 48 naman ang wasak na wasak. Karamihan dito sa nangyari sa Cordillera.

Umakyat naman na sa P3.88 milyon ang tinamong pinsala sa sektor ng agrikultura sa Kordi, habang P48.3 milyon naman ang halaga ng damage sa Ilocos Region, Central Luzon, CAR at National Capital Region.

"A total of 38 cities/municipalities experienced power interruption/outage. Of which, power supply in 38 cities/municipalities were already restored," ayon pa sa NDRRMC.

Sinasabing namahagi na ng halagang aabot sa P396,360 sa CAR sa ngayon bilang tulong.

Huwebes lang nang personal na bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa probinsya ng Abra upang malaman mismo ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol at matugunan ito sa lalong madaling panahon.

"This time, siguro naman po open na po lahat 'yung request namin because may Ilocano president na kami and we delivered 96 percent of the votes of Abra during the last election," wika ni La Paz Mayor Joseph Bernos kay Marcos Jr. habang nasa situation briefing kahapon.

"Tingin ko, kami naman po ang maniningil ngayon."

Ani Bernos, apat lang daw kasi ang trak ng bumbero sa kanilang lugar na nasa "top condition" gayong "dilapitated" naman na ang iba pa. Ang mga malalakas na paglindol ay maaaring magsimula ng mga sunog, ayon sa alkalde.

"'Yung iba nga po na firetrucks nila panahon pa po ng tatay niyo [Pangulong Ferdinand Marcos Sr.] na firetruck 'yon. That was 30 some years ago. So hinihiling ko po na palakasin ang disaster response ng [local government units]."

Show comments