‘DDR Bill, ipasa na’—Bong Go
Matapos tumama ang lindol sa Northern Luzon
MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang panawagan na lumikha na ng Department of Disaster Resilience upang matiyak ang mas mabilis, maagap at madiskarteng pagtugon sa paghahanda sa mga kalamidad at iba pang natural na kalamidad.
Kasunod ito ng magniture 7 na lindol na tumama sa Northern Luzon, partikular sa Abra province, at naramdaman sa Metro Manila noong Miyerkules, Hulyo 27.
“Tiwala ako na laging handa ang ating pamahalaan para matulungang makabangon kaagad ang mga kababayan natin. Handa rin akong tumulong sa kahit anong kapasidad sa ating mga apektadong kababayan,” sabi ni Go.
Ang sentro ng lindol ay nasa 3 kilometro hilagang-kanluran ng Munisipyo ng Tayum sa lalawigan ng Abra. Naramdaman ito sa mga kalapit na lugar at iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Go na lalong dapat nang matupad ang kanyang matagal nang hiling para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.
Muling inihain ni Go sa 19th Congress ang Senate Bill No. 188 para itatag ang DDR. Ang nasabing panukala ay naglalayong lumikha ng isang highly specialized na ahensya na may tungkuling tiyakin ang adaptive, disaster-resilient at ligtas na mga komunidad.
Pagsasama-samahin ng DDR ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad.
Sa panukalang batas, magtatayo ng Humanitarian Assistance Action Center na isang one-stop shop para sa pagproseso at pagpapalabas ng mga produkto, gamit at serbisyo, upang matiyak ang napapanahong paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
- Latest