NDRRMC: Mahigit 1.2K katao inilikas sa Ilocos Region dahil sa lindol sa Abra
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 1,248 ang kabuuang bilang ng indibidwal na sumailaim sa pre-emptive evacuation sa rehiyon ng Ilocos kasunod ng nangyaring pagyanig na magnitude 7.0 sa Abra nitong Miyerkules, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes.
Batay sa inilbas na situational report ng ahensya alas sais ng umaga ngayong araw, apat na ang naitalang kumpirmadong nasawi dahil sa lindol na nagmula sa Cordillera Adminsitrative Region (CAR).
Samantala, 114 naman ang kabuuang bilang ng nagtamo ng injury kung saan 113 ang nagmula sa CAR at isa naman sa Region 2.
Dagdag pa rito, 19 lansangan ang hindi madaanan dahil sa pagyanig — 17 sa CAR, isa sa Region 1 at Region 2 at 37 siyudad ang nakaranas ng power interruption.
Naitala naman ang 17 imprastraktura na nasira dahil sa lindol — siyam mula Region 1, pito mula Metro Manila, at isa sa Region 3. Batay sa ulat, tinatayang nasa mahigit P33,000 ang halaga ng nasirang mga ari-arian.
Kasalukuyang 29,283 katao ang nananatili sa mga evacuation center sa Ilocos Sur kasunod ng pagyanig ayon kay Michael Chan, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Ilocos Sur.
Ani Chan, takot bumalik sa kanilang mga tirahan ang mga inilakas dahil sa posibleng pagtama ng mga aftershock.
"Ito (evacuees) 'yung mga nailikas at nasa iba't ibang evacuation centers sa takot sa aftershocks sa Ilocos Sur," wika niya sa panayam ng GMA News kanina.
Nito lamang Miyerkules, alas 8:43 ng umaga nang tumama ang lindol sa Tayum, Abra na may lalim na 17 kilometro. Naramdaman naman ang pagyanig sa iba pang karatig probinsya ng Abra at maging sa Metro Manila. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest