MANILA, Philippines — 18-anyos pwede nang makabili Isa nang ganap na batas ang kontrobersyal na Vape bill matapos itong hindi malagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mag-“lapse into law”, pagkumpirma ng Malacañang kahapon.
Awtomatikong nagiging batas ang isang panukala 30 araw matapos matanggap ng Palasyo at hindi lagdaan ng Pangulo.
Sa ilalim ng Vape Law o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, ire-regulate nito ang importasyon, manufacture, sale packaging, distribusyon, pagbebenta at communication ng vaporized nicotine at non-nicotine products pati na ang novel tobacco products.
Una nang niratipikahan ng Kamara at Senado ang panukala noong Enero 26, 2022.
Layunin ng batas na pababain ang edad para sa vape access matapos isulong ng mga advocates ang paggamit ng vape bilang alternatibo sa sigarilyo.
Sa dating batas, hindi pinapayagan ang mga may lasa na vape, at ang mga naturang produkto ay maaari lamang ibenta sa sinumang higit sa 21 taong gulang.
Sa ilalim ng bagong batas, ililipat ang regulasyon ng mga vape products sa ilalim ng Department of Trade and Industry mula sa Food and Drug Administration. Pinabababa rin nito ang edad ng pagbebenta mula 21 sa 18-anyos.
Una ng nagbabala ang DOH na ang pagpapasa sa nasabing batas ay maglalantad sa mga kabataan sa mga mapaminsala at nakahuhumaling na sangkap na nauugnay sa paggamit ng vape gaya ng alak, marijuana at mga ipinagbabawal na gamot.
Habang hiniling naman ng grupo ng mga healthcare professional at mga professor kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na isabatas ang Vape Bill dahil naniniwala silang makatutulong ito upang mabawasan ang health risks na naidudulot ng paninigarilyo.