MANILA, Philippines — Lumobo na sa halos 3 milyong mag-aaral ang nag-enroll para sa darating na School Year (SY) 2022-2023 sa unang araw pa lamang ng enrollment period — bagay na labis mas mataas kumpara noong 2021, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Martes.
“Kahapon, unang araw ng enrollment, maganda ang turnout. Actually, as of 7:35 last night, nasa 2.808 million na po ang nag-e-enroll sa ating mga learners,” ani DepEd spokesperson Atty. Michael Tan Poa sa Teleradyo, Martes.
Related Stories
Sinabi ni Poa, malaki ang naging pag-angat ng numero ng mga nag-enroll kumpara sa bilang noong nakaraang taon na umabot lamang sa 200,000 ang enrollment turnout sa unang araw ng enrollment period.
“Ayon sa assumption ng DepEd nasa around 28.6M po ang inaasahan nating mag-eenroll this year. So kahapon pa lang, nasa 10% na po ang enrolled doon sa expected enrollees natin,” dagdag pa ni Poa.
Nakikipag-usap na raw ang DepEd sa mga paaralan sa iba’t ibang parte ng bansa at nakikipag-coordinate na raw sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa karagdagang imprastruktura sa mga paaralan upang mapunan ang kakulangan sa mga silid paaralan.
Matatandaang kamailan naglabas ang DepEd ng memorandum order no. 34 s.2022 na tumutukoy sa 100% full capacity ng in-person classes sa lahat ng paaralan sa bansa simula November 2.
Samantala nagsimula na ang enrollment period noong July 25 at tatagal hanggang sa pagbubukas ng klase sa Aug. 22, 2022. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan