'Vape bill' batas na kahit inalmahan ng DOH, FDA
MANILA, Philippines — Naging batas na ang kontrobersyal na Senate Bill 2239 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act nitong Martes, July 26 sa kabila ng kaliwa’t kanang panawagan na pigilan ito.
Kinumpirma ng Malacañang ang pagsasabatas ng naturang bill sa isang sulat para sa Kongreso mula kay Executive Secretary Victor Rodriguez.
"[The Vape Bill]... lapsed into law on 25 July 2022 pursuant to Art. VI. Sec. 27 (1) of the Constitution," ani Rodriguez sa isang pahayag na iniulat ngayong Martes.
JUST IN | Ganap nang batas ang Vape Bill alinsunod sa Artikulo VI, Seksiyon 27 ng Konstitusyon, ayon sa liham na ipinadala ng Malacañang, sa pamamagitan ni Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez.
— News5 (@News5PH) July 26, 2022
????: PNA pic.twitter.com/mzaGYIbAmp
Ang panukalang batas na inihain nina former Sen. Ralph Recto ay naglalayong kumontrol sa importasyon, paggawa, pagbebenta, packaging at paggamit ng vaporized nicotine o vape at ng non-nicotine products tulad ng mga sigarilyo.
Malilipat rin mula sa Food and Drug Administration (FDA) tungo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang sakop ng mga nasabing produkto.
Naging batas ang Senate Bill 2239 sa kabila ng panawagan ng Department of Health (DOH) at FDA kay Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos na pigilan ito.
Sa isang Facebook post noong June 30, iginiit ng DOH na "harmful" daw ang Vape at hindi "cool."
“Minsan, higit pa sa sigarilyo ang lamang nicotine ng vape. Mabilis itong magdulot ng nicotine addiction, at tulad rin sa sigarilyo ang masamang epekto nito sa katawan,” ayon sa caption sa DOH.
Wala pa ring pahayag ang DOH patungkol sa pag-lapse into law ng panukala.
Sinabi naman ng FDA sa isang pahayag na babaliktarin daw ng naturang panukalang batas ang mga hakbang na gawa ng nakaraang administrasyon sa pagsupil sa cigarette addiction.
“The FDA calls for the continuity of these initiatives and the consequent strengthening of the Tobacco Control and Prevention Strategy of the Philippine Government, ultimately of the protection of public health and safety,” inihayag ng FDA. — Philstar.com intern Jomarc Corpuz
- Latest