MANILA, Philippines — Nakapagtala ang bansa ng 19,536 bagong kaso ng COVID-19 na mas mataas ng 33 porsyento kumpara sa naitala noong nakalipas na linggo, ayon sa datos ng Department of Health (DOH) kahapon.
Ito na ang pinakamataas mula makapagtala ng 23,280 kaso mula Pebrero 7-13, 2022.
Sa DOH bulletin, may average na 2,791 impeksyon ang bansa kada-araw mula Hulyo 18-24. Ito rin ang ikalawang sunod na linggo na may daily average ang bansa na higit sa 2,000 makaraang maitala ang 2,091 kaso ng sinundang linggo.
Sa kabuuan, nasa 666 o 8.7% ng mga pas-yente na nasa pagamu-tan ang nasa severe at critical condition.
Nasa 587 o 21.7% ng 2,664 intensive care unit (ICU) beds para sa COVID-19 ang okupado ng mga pasyente nitong nakaraang Linggo.
Nangangamba ang DOH na maaaring ang trend na ito ay magresulta ng pagtaas ng ICU admission sa Oktubre lalo na kung patuloy na hindi susunod ang mga Pilipino sa minimum public health standards at manatiling mababa ang booster rates.
Nabatid pa na 71 milyong Pilipino na sa bansa ang “fully vaccinated” ngunit nananatiling mababa sa 15.9 milyon ang nakatatanggap ng booster shots.