COVID-19 lockdowns 'hindi na gagawin' sa ilalim ni Marcos Jr.

President Ferdinand Marcos Jr. delivers his first State of the Nation Address as newly elected Congress leaders, Senate President Juan Miguel Zubiri and House Speaker Martin Romualdez, react on Monday, July 25, 2022.
OPS/Marcos media team

MANILA, Philippines — Bagama't dumarami uli ang kaso ng COVID-19 at mga subvariants nito nitong mga nagdaang araw, nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na hindi na mauulit ang mga lockdowns.

Ito ang banggit ni Bongbong kahit na umakyat ng 33% ang bagong COVID-19 cases sa nakaraang pitong araw (19,536). Aabot naman sa 2,778 ang naidagdag na kaso ngayong araw, bagay na labis na mataas kumpara nitong mga nagdaang linggo at buwan.

"Sa ating sitwasyon ng pangkalusugan, nariyan pa rin ang banta ng COVID-19. Lalo't merong nadidiskubreng bagong variant ng coronavirus," wika ni Marcos Jr. sa kanyang SONA speech kanina.

"Pero hindi na natin kakayanin ang isang lockdown. Wala na tayong gagawing lockdown."

 

 

Giit niya, dapat balansehin nang maayos ang kalusugan, kapakanan ng publiko at ekonomiya — bagay na labis tinamaan noong mapilitang ikulong sa kani-kanilang bahay ang mga tao noong kasagsagan ng pagkalat ng nakamamatay na virus.

Nakikipagtulungan naman na raw ang iba't ibang ahensya ng gobyerno para bantayan ang COVID-19 hospital admissions para masigurong may sapat na kapasidad ang healthcare system.

"Patuloy din ang ating vaccine booster rollout para sa ating pangkalahatang depensa," banggit pa ni Marcos Jr.

"Sa ganitong paraan, kahit pa tumaas muli ang bilang ng mga COVID cases, mananatiling mababa ang bilang ng mga ma-ospital at bilang ng mga namamatay."

Iaayon din daw ang health protocols sa pangangailangan at makikipagtulungan sa pribadong sektor para mapataas ang kumpyansa ng mga mamumuhunan nang makabalik ang mga negosyo sa full capacity.

Mananatili pa rin ang Alert Level System, ngunit pinag-aaralan na rin daw ang ibang paraan ng klasipikasyon para mas bumagay sa mga pagbabago sa COVID-19 situation.

"Sa pakikipagtulungan ng Kongreso, itatatag natin ang ating sariling Center for Disease Control and Prevention at isang vaccine institute," wika pa ng presidente.

Aabot na sa 3.75 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa ngayon sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 60,694.

Specialty hospitals sa probinsya

Samantala, nabanggit naman ni Bongbong na dapat mapakinabangan din aqng mga "specialty hospitals" gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute kahit ng mga wala sa National Capital Region.

Ito'y upang mailapit ang healthcare system sa taumbayan nang hindi na kinakailangang pumunta sa sentro ng kanilang bayan, lalawigan o rehiyon.

"One of the cornerstones of a strong healthcare system is the provision of competent and efficient medical professionals," sabi pa niya.

"We will exert all efforts to improve the welfare of our doctors, nurses, and other medical frontliners."

Show comments