China Coast Guard, militia vessels muling namataan sa West Philippine Sea

Chinese vessels remained at Julian Felipe Reef in the West Philippine Sea (March 23, 2021)
AFP

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of National Defense (DND) ang presensiya ng Chinese Coast Guard at Chinese militia vessels sa pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay DND Officer-in-Charge Jose Faustino, Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa National Task Force on the West Philippine Sea upang maresolba at mapigilan ang pananakop.

Sa kabila nito, sinabi ni Faustino na wala pa siyang natatanggap na utos mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung paano haharapin ang pananatili ng Chinese vessels sa pinag-aagawang katubigan ay nananatili naman aniya ang posisyon ng Pilipinas na may kinalaman sa pagtatanggol sa nasasakupan ng bansa.

Ang ganitong mga insidente ang isa sa mga tututukan ng administrasyon ni Pangulong Marcos.

“Our sovereignty is inviolable and we have to protect our territorial integrity so that’s it, from those lines of the President, we will toe the line kung ano yung kanyang mga statement regarding the West Philippine Sea,” ani Faustino.

Matatandaang Hulyo 2016 nang magbunyi ang mga Pilipino sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) pabor sa Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin na walang legal na basehan ang China para angkinin ang mga lugar sa South China Sea na nakapaloob sa idineklara nitong “nine-dash line”.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala pa ring pagbabago sa maritime monitoring sa rehiyon subalit mahigpit nilang babantayan ang sitwasyon upang agad na makaresponde kung kinakailangan.

Siniguro rin ng DND na magtutuluy-tuloy ang pag-aayos at re-supply mission ng AFP sa BRP Sierra Madre.

Nagpasalamat naman si Faustino sa mga bansang sumusuporta sa Pilipinas.

Show comments