MANILA, Philippines — Nagsimula nang isailalim sa lockdown ang Batasang Pambansa Complex bilang bahagi ng seguridad para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Ayon kay House Secretary General Llandro Mendoza, "all systems go" na para sa naturang okasyon.
Related Stories
"We're all systems go na po tayo sa Batasan. Nag-start po tayo simula kagabi ng lockdown, full lockdown po tayo sa House. So more security preparations na lang po ang ginagawa po natin," wika niya sa panayam ng "Unang Balita," Biyernes.
Sambit niya, kinakailangan magpresenta ng negative RT-PCR test result 48 oras bago ang SONA ang lahat ng papasok sa plenary at main building.
Dagdag pa rito, nasa 90% din aniya ng 1,300 panauhin na inimbitahan sa SONA ang nagkumpirma na ng kanilang pagdalo.
Tinatayang nasa 1,200 katao ang papayagan pumasok sa loob ng Kongreso kabilang ang mahigit 300 kongresista, 24 senador, at mga miyembro ng diplomatic corps.
Samantala, limitado naman ang bilang ng midya na pinahihintulutan makapasok ng gallery.
Ayon kay Paul Soriano na siyang direktor ng unang SONA ni Marcos, magiging "simple and traditional" lang ang nasabing okasyon.
Una nang hindi inaprubahan ng Quezon City ang aplikasyon ng Bagong Alyansang Makabayan para sa permit to rally sa araw ng SONA. Kasabay nito, ipagbabawal daw ng PNP ang mga protesta sa kahabaan ng Commonwealth Ave.
Sa kabila nito, ipinarerebyu ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kanilang pagbabasura sa permit to rally ng ilang militanteng grupo habang tinitignan ang mga inihaing argumento ng grupo sa pagbabasura ng permit. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles