MANILA, Philippines — Para madagdagan ang kita ng gobyerno, nais ni Sen. Win Gatchalian na buwisan ang ilang mga bilyonaryo sa bansa.
Ito ay dahil napansin umano ni Gatchalian na ang mga bilyonaryo sa bansa ay hindi kabilang sa mga top taxpayer.
Sinabi pa ng Senador, sa panayam ng DzBB, na mas malaki pa ang ibinabayad na buwis ng mga sikat na personalidad sa telebisyon at pelikula dahil sila ang madalas na namomonitor ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kaya ang ipinagtataka ng mambabatas, bakit ang mga nasa billionaire’s list ay wala sa listahan ng BIR na top taxpayers list.
Giit ni Gatchalian, dapat ayusin ang sistema ng bansa para ang mga may kaya o yung mayayaman ay mas mataaas ang babayaran nila na tinatawag din na progressivity.
Dahil dito, kaya plano niya na maghain ng panukala na naglalayong dagdagan ang tax ng mga mayayaman at umaasa siyang susuportahan siya ng mga kapwa Senador.
Paliwanag pa niya ang ibig sabihin ng progressivity ay kung ikaw ay mayaman o maykaya, ang kontribusyon ay dapat malaki habang ang sa mga mahihirap naman ay maliit.