Internet sa Pilipinas bahagyang bumilis, mabagal pa rin kumpara sa ibang bansa

Students in uniform answer their learning modules during an online class under DepEd's blended learning system this year due to the COVID-19 pandemic.

MANILA, Philippines — Bumilis sa parehong mobile at fixed broadband ang internet speed ng Pilipinas sa gitna ng pagpasok ng ikatlong Telco company sa bansa na ginagamit na ng 10 milyong Filipino.

Ayon sa Speedtest Global Index ng website na Ookla, gumanda ang mobile internet speed ng Pilipinas ng 11% tungo sa  21.41 Mbps sa Hunyo mula sa 19.26 Mbps noong Mayo.

Sa kabila ng bahagyang pagbilis ng internet sa cellphone, mabagal pa rin ito kumpara sa global median speed na 31.01 Mbps.

Samantala, pasok naman sa global standards na 66.25 Mbps ang fixed broadband internet speed sa bansa.

Mula 60.09 Mbps noong Mayo, bumilis ito ng 15% tungo sa  68.94 Mbps nitong nakaraang buwan.

Ang 21.41 Mbps mobile internet speed ng Pilipinas ay ang ika-88 sa 139 na bansang sinuri ng Ookla habang ika-53 naman sa 182 ang fixed broadband speed ng bansa.

Norway ang may pinakamabilis na mobile internet speed na umaabot sa 126.96 Mbps samantalang Chile naman na may 213.73 Mbps ang nanguna sa fixed broadband.

Nakabase ang Speedtest Global Index ng Ookla sa median download speed upang mapakita ang bilis ng internet na maaring makuha sa merkado

Pagpasok ng Dito

Sa isang ulat na nilabas noong Hunyo 30, sinabi ni Ookla principal industry analyst Sylwia Kechiche na ang pagpasok ng Dito Telecommunity Corp. ay nakatulong sa pagpapabilis ng internet sa bansa.

Ayon kay Kechiche, gumanda ang kalagayan ng LTE sa bansa mula 11.15 Mbps bago pumasok ang Dito tungo sa 15.53 Mbps isang taon matapos magsimula ang kanilang operasyon.

“Our analysis suggests that Dito’s entry, combined with the regulatory changes, resulted in more network investment and an overall improvement in the 4G coverage and performance across all operators,” dagdag pa ni Kechiche.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Dito na mahigit kumulang 10-milyong Pilipino na ang kanilang subscribers nitong Hulyo.

Smart ang pinakamabilis na internet mobile provider sa bansa na may median speed na 24.01 Mbps. Sinundan sila ng Dito na may 16.96 Mbps habang ikatlo naman Globe na may bilis na aabot sa 15.25 Mbps. — Philstar.com intern Jomarc Corpuz

Show comments