OWWA maglalaan ng P15-M sa programang laan sa mga anak ng OFWs
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) board of trustees nitong Biyernes, ika-15 ng Hulyo, ang isang resolusyong layong magtatag ng isang flagship program para sa proteksyon at kapakanan ng mga anak ng mga Overseas Filipino workers (OFW).
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensyang inaprubahan na ng OWWA Board of Trustees sa pangunguna ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma kasama si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople ang Board Resolution Number 7 na mungkahing ilunsad ang OFW Children’s Circle (OCC).
Anila, alinsunod ito sa kagustuhan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing 'mas maganda' ang buhay ng mga OFW at ng kanilang pamilya sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Anang OWWA, layon ng OCC na tulungan ang mga anak ng OFWs na ipakita ang kanilang mga talento, pagbutihin ang kanilang social skills, at pagyamanin ang kanilang kamalayan sa mga adbokasiya na nakasentro sa kabataan, kapaligiran, digital literacy, anti-drugs, atbp.
"The OCC aims to help OFW children to achieve their full potential in community- and nation-building. It will also address the societal impact of labor migration, such as separation from an OFW-parent, as well as negative effects on their well-being and mental health,” saad sa resolusyon.
“OCC programs and activities aim to help children cope with the negative effects and social costs of migration, not to mention the effects of the COVID-19 pandemic and other global emergencies,” dagdag pa nila.
Batay sa ulat ng GMA News, hindi baba sa P15 milyon ang inilaan ng ahensya para sa paunang pagpapatupad ng programa.
Unang itatatag ang OCC sa mga OWWA regional welfare offices sa Metro Manila, Ilocos Region, Calabarzon, Central Visayas, at Davao Region. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest