MANILA, Philippines — Karamihan sa mga Pinoy ay naniniwala na ang resulta ng May 9, 2022 elections, na nagluklok kay Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Malacañang, ay ‘accurate’ at ‘credible.’
Batay sa resulta ng nationwide survey na inilabas ng Pulse Asia nitong Lunes, nabatid na 82% ng 1,200 adult respondent na sinurvey mula Hunyo 24 hanggang 27, ay nagsasabi na malaki ang tiwala nila na wasto at kapani-paniwala ang naging resulta ng national at local polls.
Sa Mindanao ay 96% ng respondents ay naniniwala na accurate at credible ang resulta ng halalan, Visayas 85%, National Capital Region (84%) at 73% sa Balance Luzon.
May 4% lamang sa buong bansa ang walang tiwala sa resulta ng nagdaang halalan.
Samantala, karamihan sa mga Pinoy adults o 89% ay satisfied o kuntento sa automated voting system na ginamit noong eleksiyon.
Halos lahat din ng Pinoy adults na lumahok sa 2022 elections ay ikinukonsidera na madali ang paggamit ng vote counting machines.
Anang Pulse Asia, ang mas mabilis na paglalabas ng resulta ng halalan, ang karaniwang tinutukoy ng mga respondents na pangunahing benepisyo ng automation ng eleksiyon sa bansa.
Malaking bahagi rin ng mga Filipino adults o 89% ang nagsabi na pabor silang gamitin pa rin ang automated voting system sa mga susunod na eleksiyon sa bansa. — Angie dela Cruz