VP Sara: Estudyante sa public schools, ‘di required mag-uniporme sa pasukan
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Vice President Sara Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd), na hindi required ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan na magsuot ng uniporme sa nalalapit na pasukan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na hindi na dapat madagdag pa ang gastusin sa pagbili ng uniporme sa problema ng mga estudyante at kanilang mga pamilya, sa gitna nang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, at kawalan ng pagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Duterte, kahit noong wala pang pandemya ay hindi istriktong requirement ang pagsusuot ng uniporme sa public schools kaya’t mas lalong dapat na hindi ito gawing requirement sa panahon ngayon.
Magsisimula ang School Year 2022–2023 sa Agosto 22, 2022 hanggang sa Hulyo 7, 2023.
Ang limang araw naman na face-to-face classes ay kailangan nang ipatupad simula Nobyembre 2 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
- Latest