Pinoy tourist sa New York, binugbog

Naglabas ng advisory si Consul General Elmer Cato ng Philippine Consulate sa New York dahil sa insidente na kinasangkutan ng isang batang Pinoy na turista.
newyorkpcg.org

MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Philippine Consulate General sa New York ang Filipino Community na manati­ling mapagmatyag matapos ang isang 18-anyos na turistang Pinoy mula sa Cebu ay naiulat na marahas na sinaktan malapit sa Philippine Center sa Manhattan noong Miyerkules, Hunyo 13.

Naglabas ng advisory si Consul General Elmer Cato ng Philippine Consulate sa New York dahil sa insidente na kinasangkutan ng isang batang Pinoy na turista.

Pinaalalahanan ng Konsulado ang mga mi­yembro ng Filipino Community, gayundin ang mga kababayan na bumibisita sa New York, na mag-ingat habang nasa lansangan o nasa subway.

Base sa impormasyong natanggap ng Konsulado, naglalakad ang biktima kasama ang tatlo pang Pinoy malapit sa kanto ng 6th Avenue at 46th Street nang siya ay sinaktan. Nagtamo ng sugat sa mukha ang Pinoy dahil sa pambubugbog na natamo mula sa suspek na napasuko at itinurn-over sa mga awtoridad.

Ito aniya ang ika-41 na insidente mula noong nakaraang taon na kinasasangkutan ng isang Pilipino na nabibiktima ng isang hate crime at criminal act.

Nakikipag-ugnayan na ang Konsulado ng Pilipinas sa New York City Police Department.

Hindi pa tiyak kung ang insidente ay may kaugnayan sa “anti-Asian hate.”

Show comments