MANILA, Philippines — Isinusulong ng isang mambabatas ang pagbuhay muli ng lokal na industriya ng asin sa Pilipinas upang makalikha ng trabaho para sa milyong mga Pilipino at maging isa ang bansa sa mga potensyal na tanyag na exporter ng asin sa buong mundo.
Ayon kay Kabayan Partylist Rep. Ron Salo, napapaligiran ng malawak na mga karagatan ang 7,107 mga isla ng Pilipinas kung saan maraming lugar ang may potensyal na sumikad para sa industriya ng asin.
Si Salo ay naghain ng House Bill (HB) 1976 na naglalayong buhayin ang lokal na industriya ng asin sa bansa upang sa halip na mag-angkat pa ng imported na asin ay mag-export nito ang bansa.
Alinsunod sa nasabing panukalang batas ay ang komprehensibong plano para sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng asin at mabigyan ng sapat na insentibo ang mga magsasaka ng asin at kanilang mga exporters.
Sa explanatory note ni Salo sa HB 1976, upang tiyakin ang matagumpay na implementasyon ng batas, isang inter-agency body ang itatatag at tatawaging ASInDeRO o Administration for Salt Industry Development, Revitalization and Optimization.
“The Philippines used to be salt self-sufficient. Today, it is a huge importer of salt. Import is estimated at around 550,000 metric tons of salt every year which constitutes around 93% of the country’s salt requirement,” ani Salo.
“This is ironic considering that the Philippines has 36,000 kilometers of shoreline – the fifth longest shoreline in the world – which can be utilized for massive salt production,” paliwanag pa ng solon.