MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na pag-aaralan pa ang hiling ng isang kumpanya na magdagdag ng P4.00 sa suggested retail price sa pandesal at tasty.
Ibinunyag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo nitong Biyernes sa Laging Handa public briefing na nakabinbin pa ang request ng “Pinoy Tasty” at “Pinoy Pandesal” na itaas ang kanilang presyo sa mga nasabing produkto sa gitna ng pagmamahal na rin ng mga sangkap sa paggawa nito o production costs.
Sa kasalukuyan, ang SRP ng Pinoy Tasty ay P38.50 sa bawat 450 gram pack, habang ang Pinoy Pandesal ay P23.50 sa 10-piece pack, na gawa ng Marby Food Ventures.
Ipinaliwanag ni Castelo na ang lahat ng mga kahilingan para sa mga pagbabago sa iminungkahing retail price ay dapat na maaksyunan muna bago maglabas ng bagong bulletin.
Posible aniyang sa susunod na mga linggo ay maisusumite na ang kanilang rekomendasyon kay DTI Secretary Alfredo Pascual at kapag na-aprubahan ay saka pa lamang makapaglalabas ng bulletin hinggil sa presyo.