Muling isinulong ni Bong Go
MANILA, Philippines — Muling itinulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang panukalang batas na magbibigay ng libreng legal na tulong sa lahat ng unipormadong tauhan ng bansa kapag naharap sila sa mga kaso mula sa mga insidenteng may kaugnayan sa kanilang opisyal na tungkulin.
“Palaging nasa frontline natin ang ating mga pulis at mga sundalo sa kampanya ng pamahalaan upang masiguro na ligtas ang ating mga mamamayan mula sa banta ng mga kriminal, lalo na sa mga sindikato ng droga at mga terorista,” ayon kay Go.
“Minsan, kahit sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin, sila ay nakakasuhan o nasususpinde nang hindi nabibigyan ng pagkakataon na idepensa ang sarili ayon sa nakasaad sa batas,” dagdag ng senador.
Iginiit ang kanyang lubos na pagtitiwala sa mga unipormadong tauhan ng bansa, binanggit ni Go kung paano ang panukalang-batas ay makatitiyak sa kanila ng legal na suporta hanggang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa batas.
“Ito ang rason kung bakit nais nating bigyan sila ng sapat na suportang legal para maproteksyunan nila ang kanilang sarili basta nasa tama sila at ginagampanan ang kanilang tungkulin na naaayon sa batas,” paliwanag ng senador.
Ayon sa iminungkahing panukala, ang chief of staff ng AFP, ang chairperson ng National Police Commission o ang hepe ng PNP ay dapat magbigay ng awtorisasyon sa legal na tanggapan ng kani-kanilang ahensya, sa tulong ng Public Attorneys Office, na magbigay ng legal na tulong.
“Tulad ng ibang sektor ng lipunan, ang ating militar at pulisya, ay hindi dapat pagkaitan ng access sa legal na tulong na maaaring kailanganin nila bilang resulta ng tapat na pagganap ng kanilang mga opisyal na tungkulin,” binanggit niya.
Bago pa man maupo sa Senado, naging instrumento si Go, na siyang Special Assistant noon ni Pangulong Duterte, sa pagsusulong ng pagtaas ng suweldo ng lahat ng militar at unipormadong tauhan sa gobyerno.