MANILA, Philippines — Muling isinulong ni Sen. Loren Legarda ang kanyang panukalang batas na naglalayong alisin ang mga single-use plastics at imandato ang "extended responsibility scheme" sa sa mga negosyo at kumpanya upang tugunan ang problema ng polusyon at basura sa bansa.
"We need to correct our behavior and mindset when it comes to single-use plastics by adopting more sustainable practices, such as recycling or upcycling, reducing our consumption, and proper disposal, to mitigate their detrimental effects to our environment, health, and our climate,” wika ng senadora sa isang pahayag, Huwebes.
Sa pag-aaral ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA) noong 2019, 164 milyong pirasong plastic sachet ang itinatapon sa Pilipinas araw-araw. Isa ang bansa sa itinuturing na top plastic polluters sa mundo.
Biyernes lang din nang sabihin ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pinag-iisipan nila kung dapat nang patawan ng buwis ang mga single-use plastics upang makalikom ng karagdagang pondo at makatulong na rin daw sa kalikasan.
Bago bumaba sa pwesto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, umapela rin ang Ecowaste Coalition na i-ban na ang paggamit ng single use plastics. Naglista rin sila top 10 mga produktong plastic na maaaring iwasan ngayong buwan.
Kaugnay nito, nanawagan si Legarda sa publiko na suportahan ang "Plastic Free July," na isang international movement na humihimok sa milyun-milyong iwasan at bawasan ang single-use plastic waste araw-araw sa bahay, trabaho, paaralan, at mga establisyimento.
Ayon pa sa beteranang lawmaker, dapat mas paigtingin ang ang kasanayang tulad ng pag-rerecycle, pagbawas ng konsumo at tamang pagtatapon ng basura upang mabawasan ang masamang epekto nito sa kapaligiran, kalusugan at maging ang klima na nararanasan.
Binanggit din ni Legarda ang National Plan of Action on Marine Litter ng Department of Environment and Natural Resources, na naglalayong magkaroon ng zero waste sa ocean waters ng Pilipinas pagsapit ng 2040, at ang Philippine Action Plan ng National Economic and Development Authority (NEDA) para sa Sustainable Consumption at Production (PAP4SCP), na naglalayong mapabuti ang pamamahala sa basura at isulong ang plastic circularity.
Isinusulong din niyang unahin ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act na isang batas na siya ang may akda na nag-uutos na mag-install ng mga material recovery facility sa bawat barangay at mag-isyu ng listahan ng mga produkto at packaging materials na hindi katanggap-tanggap sa kapaligiran.
"The plastic crisis we face right now calls for a rethinking of our approaches to our governance and market systems and operations," saad pa niya.
"We need to sustain this growing movement on sustainability and circularity by improving our policies, implementing more adequate interventions from the public and private sectors, and opening more spaces where citizens can support and take lead in addressing single-use plastics." — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan